Friday, October 23, 2009
Bisperas ng Bukas
Gabi.
Sinipat ko ang aking bulsa. Dalawampung piso.
Tiningnan ko ang kalangitan. Maulap pero wala namang ulan.
Due date na ngayon ng hiniram kong vcd. Ayoko rin mgbayad ng overdue.
Nagdesisyon akong maglakad. Tutal hindi pa naman malalim ang gabi. Ayoko din magbayad ng pamasahe. At least, I can enjoy the fresh air and the company of myself. (Huh?! Anu daw?)
Marami akong napansin habang ako’y naglalakad sa kahabaan ng aming maliit na bayan. (May ganon?)
Meron ding mga taong naglalakad. Konti lang din kaya ang pera nila? Marami din yung mga nakasakay sa mga sasakyan.
Isa sa dahilan kung bakit pinili kong maglakad kesa sumakay ng pedicab eh para makita ang mga istruktura ng mga kabahayan sa komunidad ko. Mahilig kasi ako dyan eh. ’Pag nasa bus nga ako, paminsan-minsan lang akong matulog kahit inaantok ako para makakita lang ng mga itsura ng bahay.
Hindi naman sa wala kaming bahay pero in fairness naka-ilang lipat na din kami. Marami kasi kaming bahay, este tinuturing na bahay. Naaamaze lang ako sa mga istruktura ng mga bahay. Iba-iba ang kulay. Iba-iba ang hugis at laki. Parang tao. Gaano man kasimple, may kagandahan pa ring maipapakita.
Naiisip ko din ang mga iba’t ibang kwento sa pagpapatayo ng mga bahay na nakikita ko. Masaya kaya ang mga taong nakatira? Hindi ko alam. Siguro. Paminsan.
Hindi talaga mawala-wala sa nature ng tao ang paghahanap ng kasama o ang paghahanap ng mga pwedeng mapaglibangan lalo na siguro sa Pilipinas. Tinuringan pa naman tayong hospitable country.
Sa daan kasi, may mga nakikita akong nag-uusap, nagyo-yosi, nagtatawanan, kumakain. Meron nga din akong nakitang naglalambingan sa labas ng tindahan ng lola ko eh. Hindi sila napansin kasi madilim.
Marami ka ring makikitang emosyon. Saya. Lungkot. Meron ding hindi mo maipaliwanag. Nakatingin sa kawalan. Naghihintay. Nababagot.
Alam kaya ng mga taong ito na may nagmamahal sa kanila? Pagmamahal na higit pa sa maibibigay ng mga kaibigan nila o pamilya nila? Pagmamahal na galing sa Lumikha ng lahat?
Meron sigurong alam nila pero sigurado akong maraming hindi nila alam. Sigurado ako kasi may mga krimen pa rin. Kabilaan ang barilan. Nakawan. Sabunutan. Mga nag-aaway. May mga nagpapakamatay pa nga. Kung alam nilang may nagmamahal sa kanila, hindi nila gagawin yon.
Naramdaman kong dumampi sa aking mga kamay ang patak ng ulan. Nagsisimula ng lumuha ang kalangitan pero naglalakad pa rin ako at tumatakbo. (Panu kaya yon?) Naisip ko, mababawasan ang dalawampung piso ko nito.
Nasauli ko na ang hiniram ko at kailangan ko ng umuwi. Lumalalim na ang gabi. Basa ang daan. Kelangan ding bawasan ang dalawampung piso ko. Pero paglabas ko, wala akong naramdamang patak ng ulan. May nagmamahal nga sa akin. Alam ko yon. Pero maraming hindi nakakaalam. Kelangan nila ako. Kelangan nila ang mga taong nakakaalam na may nagmamahal sa kanila. Kelangan din nilang harapin ang marami pang bisperas ng bukas.
(Pero hindi ko kinailangang bawasan ang dalawampung piso ko.)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment